Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na siguraduhin na mapapabilis na ang ang pamamahagi ng fuel subsidies sa mga target na benepisyaryo sa public transport sector.
Ang panawagang ito ni Gatchalian ay kaugnay sa kanyang planong pagsulong ng ikatlong yugto ng pagbibigay ayuda sa sektor ng pampublikong transportasyon na nalulugmok sa epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nais ni Gatchalian na ipamigay na ang ikatlong bahagi ng Pantawid Pasada Program na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan para sa susunod na limang buwan.
Ayon kay gatchalian, marami na ang tumitigil sa pamamasada at nawalan ng hanapbuhay ang maraming PUV drivers at matutugunan ito sa pamamagitan ng mabilis na pamimigay ng ayuda sa kanila.
Binanggit ni Gatchalian na ang unang yugto ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicles ay natapos na sanang ipamigay noong ikalawang linggo ng Mayo.
Pero dismayado si Gatchalian dahil nabahiran ito ng pagkaantala dahil sa kakulangan ng database ng mga benepisyaryo.