Manila, Philippines – Inaprubahan na ng House Committee on Trade and Industry na pinamumunuan ni Iloilo Rep. Ferjenel Biron ang substitute bill na layong paikliin at padaliin ang proseso ng pagkuha ng business permit.
Sa ilalim ng substitute bill para sa pinabilis na pagkuha ng business permit, nakasaad na isang araw lamang dapat ang itatagal ng processing time sa barangay, 3 araw naman para sa ibang mga simpleng aplikasyon at 10 araw sa mga complex o mga aplikasyon ng nangangailangan ng mabusising proseso.
Para naman sa mga special type na negosyo na nangangailangan ng pag-iisyu muna ng lisensya at technical evaluation, hanggang 30 araw naman ang pagporoseso ng permit.
Sakali mang pumalya ang gobyerno o ahensya na nag-a-asikaso ng permit sa itinakdang araw, otomatikong aprubado na ang business permit.
Inaatasan naman ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe ang itatatag na Ease of Business Commission na alamin kung anong mga ahensya o tanggapan ang exempted sa nasabing probisyon dahil tinukoy ni Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong na may mga approval ng negosyo na tumatagal ng dalawang taon tulad sa mga restaurants.
Para naman mapabilis ang proseso sa pagsusumite ng papel at pag-i-isyu ng mga permit sa negosyo, magtatatag na rin ng business permitting and licensing system (BPLS) at Business One Stop Shop (BOSS).