Mabilisang aksyon sa anumang mga krimen sa lungsod ng Maynila, tiniyak ng MPD

Tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang mabilisang aksyon at responde sa anumang mga krimen at insidente sa lungsod ng Maynila.

Ito ang idiniin ni PBGen. Andre Dizon kung saan makararating ang agarang tugon ng kaniyang puwersa kapag nakatanggap ng saklolo o tawag ng tungkulin mula sa mga mamamayan sa oras ng kagipitan.

Ayon kay Dizon, lima hanggang pitong minuto lamang ang kailangan antayin ng mga nagpapasaklolo sa bawat nasasakupang presinto para makaresponde ang kanyang mga tauhan.


Dagdag pa ng opisyal, bahagi pa rin ng kanilang ipinapatupad na “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary Actions” (SAFE) sa lahat ng oras.

Kasama rin ang mga iba’t ibang unit ng MPD tulad ng SWAT (Special Weapons and Tactics), Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), District Mobile Force Unit (DMFU), at iba pang kapulisan sa mga checkpoint at patrolling operations.

Tiniyak din ni Dizon na tuloy rin ang kanilang ginagawang pagpapatrol sa mga police station at mga Police Community Precinct (PCP) station sa lungsod ng Maynila para maalerto ang mga kapulisan at tuluyang mabawasan at mawala ang mga gumagawa ng masasamang balak sa lungsod.

Facebook Comments