Mabubuting asal, aspektong pangkabuhayan pasisiglahin ng Lacson admin sa mga paaralan

Bukod sa pakikipaglaban sa korapsyon at pagnanakaw sa pamahalaan, pursigido rin si independent presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na muling palakasin ang pagtuturo ng tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa sa mga paaralan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

 

Ito ay batay sa anim na pahinang programa na inihanda ng policy team ni Lacson kaugnay sa mga pagbabago sa mga sistema sa gobyerno na kanyang isusulong, sakaling magpasya ang publiko na siya ang ihalal bilang ika-17 pangulo ng bansa sa susunod na anim na taon.

 

Bukod sa kanyang ‘Edukasyon Plus’ agenda, isiniwalat ng programa ang mga magiging prayoridad ng Lacson administration sa sektor ng edukasyon, kabilang dito ang pagpapaigting ng pagtuturo sa mabuting asal, digital media literacy, financial literacy at gender development.


 

“Una, mabuting asal, tamang pag-uugali, pagpapahalaga sa pamilya at mamamayan; pangalawa, digital literacy at patnubay sa paglimi ng maling impormasyon sa social media; pangatlo, financial literacy; at panghuli, gender development at women empowerment,” ayon sa dokumento.

 

Layunin ng grupo ni Lacson sa pagsusulong ng mga repormang ito sa kurikulum ng mga estudyante ang maihanda sila at ang mga susunod pang henerasyon sa hamon ng makabagong panahon na mabilis na nagbabago dahil sa impluwensiya ng teknolohiya at iba pang mga salik.

 

“[Isusulong] ni Lacson ang national scholarship programs para sa agham at teknolohiya, edukasyon, sports at leadership skills para mas maihahanda ang ating sektor ng kabataan para sa mga tungkulin ng pamumuno sa negosyo at gobyerno,” saad ng dokumento.

 

Bukod dito, nababanggit na rin Lacson sa kanyang mga nakaraang town hall meeting na nais niyang ibalik ang interes ng mga kabataang Pinoy sa agrikultura. Katunayan nasa programa na rin niya ang pag-aalok ng scholarship para sa mga kursong may kinalaman sa agrikultura sa mga state colleges and universities.

 

Ang ‘Edukasyon Plus’ ang pangunahing programa ni Lacson para sa sektor ng edukasyon sa bansa. Nakapaloob dito ang probisyon na magbibigay ng P5,000 buwanang allowance sa mga estudyanteng magiging bahagi ng paid internship program ng gobyerno.

 

“Hangad ng programang ito na magpatupad ng isang programa sa edukasyon na magpapanatili sa mga kabataan sa paaralan at bigyan sila ng mas magandang pagkakataon na mapabuti ang kanilang kalagayan,” paliwanag ng policy team ni Lacson.

 

Kaugnay ang mga programang ito sa isinusulong na reporma ni Lacson sa paggugol ng kaban ng bayan upang ang Batas Republika 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay mapondohan at maipatupad nang maayos para makapagtapos sa kolehiyo ang mga kabataang kapos sa pantustos sa kanilang pag-aaral.

 

Facebook Comments