Monday, February 16, 2026

Macacua: Sisikapin kong pag-isahin ang Bangsamoro sa kabila ng banta ng pagkawatak-watak

Macacua: Sisikapin kong pag-isahin ang Bangsamoro sa kabila ng banta ng pagkawatak-watak

Emosyonal na nanawagan ng pagkakaisa si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua matapos niyang sabihin na may mga nagtatangkang pagwatak-watakin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa kabila ng patuloy nitong pagtamasa ng kapayapaan.

“I am trying to unite the entire Bangsamoro, others want it divided,” pahayag ni Macacua na tumutukoy sa isang petisyong inihain sa Supreme Court na naglalayong alisin siya at anim pang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority.

Ang naturang petisyon, na inihain bilang isang mandamus case na may kahilingang maglabas ng declaratory reliefs at iba pang mga remedyo, ay kumukuwestiyon sa patuloy na panunungkulan ng pitong miyembro ng BTA at humihiling sa Supreme Court na alisin ang mga ito sa pampublikong posisyon.

Nagkalat online ang mga kopya ng petisyon kung saan nakasaad ang pangalan ni Macacua at anim pang miyembro ng parlamento.

Para kay Macacua, higit pa ito sa isang karaniwang hamon sa korte. Aniya, isa itong dagok na maaaring makasira sa mga nakamit na tagumpay sa ilalim ng peace process sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Moro front, na naging daan sa pagkakatatag ng BARMM.

Iniutos din ng Chief Minister ang pag-iimbestiga sa mga personalidad na naghain ng petisyon. Ayon sa kanya, hindi nito layuning patahimikin ang sinumang nais magpahayag ng saloobin sa halip ay upang matukoy kung may mga operasyong naglalayong sirain ang mga progresong naitatag ng regional transition government at ng pambansang pamahalaan tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

Samantala, kinokonsidera ng Kongreso ang pagsasagawa ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa darating na Setyembre 2026 bilang bahagi ng paglipat tungo sa ganap na pamamahalang pampulitika.

Binalaan ni Macacua na anumang hakbang na may layuning i-destabilize ang BTA ay maaaring makaapekto sa eleksyon at sa tiwala ng publiko sa buong rehiyon.

“We are at a defining moment. The Bangsamoro people have waited decades for peace, for genuine self-governance, for a future free from conflict. We cannot allow division to reverse what has already been built,” saad ni Macacua.

Idiniin niya na nananatiling nakatuon ang transition government sa pagpapalakas ng mga institusyon nito, paghahatid ng basic services sa mamamayan, at pagtiyak na handa ang rehiyon para sa isang mapayapa at mapagkakatiwalaang halalan ngayong taon.

Naniniwala siya na magpapasya ang Supreme Court batay sa merito ng petisyon, ngunit nanawagan siya sa lahat ng stakeholders na isaalang-alang ang posibleng epekto ng political infighting.

“Our duty is to protect the unity of the Bangsamoro and safeguard the peace process. This is bigger than personalities. This is about the future of our children and the promise of lasting peace,” dagdag ni Macacua.

Habang patuloy na sinusuri ang petisyon, iginiit ni Macacua na hindi dapat maapektuhan ng anumang pansariling interes ang transition period. Sa halip, dapat umano itong magabayan ng iisang layunin na makamit ang permanenteng kapayapaan at ang pagtatag ng isang maayos at matatag na pamahalaang Bangsamoro pagsapit ng 2026.

Facebook Comments