Ibinabala ni Senator Raffy Tulfo na posibleng samantalahin ng mga terorista at mga kriminal ang kaligtasan ng publiko dahil sa mga brownout.
Sa babala ni Tulfo na chairman ng Senate Committee on Energy, maaaring lusubin ng mga rebelde, terorista at mga criminal element ang mga istasyon ng pulis, kampo ng militar at mga pasilidad ng gobyerno.
Tinukoy rin ng senador na delikado rin ang buhay ng mga pasyente kung mawalan ng kuryente ang mga ospital, klinika at health centers partikular na kung nataon na nangyari ang mga walang abiso na brownout sa kalagitnaan ng medical procedures.
Dahil dito ay kinalampag ni Tulfo ang pamahalaan na mas tutukan at aksyunan ng pamahalaan ang mga brownout.
Ayaw niya ring dumating ang panahon na magigising ang mga tao na iba na ang namumuno sa bayan dahil nilusob na ng mga dayuhang elemento ang bansa dahil sa kapabayaan sa isyung ito na aniya’y isang malaking pambansang usapin.