Apektado na ng husto ng madalas na brownouts sa Iloilo City ang response efforts ng gobyerno laban sa COVID-19.
Dahil dito, kinalampag ni Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny Lagon ang Kongreso na silipin ang status ng electric distribution sa Iloilo City na lubha nang nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente at nagpapahirap sa kanilang kalagayan ngayong may pandemya.
Inihain din ng kongresista ang House Resolution 785 para atasan ang Kamara na imbestigahan ang sitwasyon ng kuryente sa lugar.
Nakapagpabagal din umano ito para sa pagsasagawa ng COVID-19 testing sa Iloilo City.
Ayon kay Western Visayas Medical Center Chief Pathologist Dr. Stephanie Abello, tuwing mawawalan ng kuryente ay kinakailangan nilang mag-manual work na bukod sa nakakaubos sa oras ay napupurnada rin ang kanilang ginagawang testing sa mga laboratoryo.