Friday, February 6, 2026

Madalas na byahe ni Health Secretary Ted Herbosa, ipinasusuri sa Malacañang

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Malacañang na silipin ang madalas na pagbyahe sa abroad ni Health Secretary Ted Herbosa.

Ang rekomendasyon ng senador ay sa gitna na rin ng pagbalasa ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang mga cabinet members.

Ipinunto ni Villanueva na mula nang maitalaga si Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH) noong 2023 ay naka 19 na beses na itong lumabas ng bansa o katumbas ng isang byahe sa kada dalawang buwan.

Tinukoy rin ng mambabatas ang maraming isyu sa DOH na hiniling na maimbestigahan ng Senado kabilang ang pagkasayang o expiration ng mga gamot at medical supplies na binili ng DOH noong 2023 na nasa P11.8 billion ang halaga.

Samantala, iginiit ni Villanueva na panahon na para maalis ang mga bulok sa gabinete at dapat na maging pangunahing konsiderasyon sa pagpapanatili o pagtatalaga ng mga public officials ay performance.

Facebook Comments