Dinepensahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang madalas na pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa labas ng bansa.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Maria Elena Algabre, na para sa kaunlaran at seguridad ng ekonomiya ng bansa ang dahilan ng madalas na biyahe ng pangulo sa iba’t ibang mga bansa.
Pinapaigting aniya ni Pangulong Marcos ang partnership at kooperasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa para sa pakinabang ng mamamayan.
Giit pa ni Algabre, hindi nasasayang ang pera ng gobyerno sa mga foreign trip ng pangulo dahil kasama sa misyon ay manghikayat ng mga dayuhang investor para mamuhunan at magnegosyo sa bansa.
Matatandaang inulan ng mga kritisismo ang mga foreign trips ng pangulo, kung saan ang pinakahuli ay ang dalawang beses na biyahe nito sa Australia sa loob ng isang linggo.