Ipinasasaayos ni Senator Raffy Tulfo sa Toll Regulatory Board (TRB) ang mga problema sa madalas na palpak na RFID system sa mga expressway.
Dahil dito ay naghain din si Tulfo ng Senate Resolution 1060 para repasuhin at i-evaluate ng Senate Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan, ang operations ng toll expressways at ang implementasyon ng cashless o contactless transactions na RFID system.
Ilan sa mga reklamo ay maraming RFID tags ang hindi nababasa ng scanner dahil sa reader malfunction o maling pagkakalagay, ang pagkakaroon pa rin ng zero balance kahit kakaload pa lang, at ang refund na inaabot ng dalawang araw o higit pa bago maibalik sa mga motorista.
Kabilang ang mga ito sa dahilan ng mabigat at buhol-buhol na traffic sa expressways dahil hindi agad nakakapasok ang mga motorista.
Inirekomenda ni Tulfo sa TRB na patawan ng mataas na multa at mas mahigpit na parusa ang toll operators sa bawat paglabag.
Agad namang magpatatawag ang senador ng pagdinig tungkol dito sa pagbabalik-sesyon upang masilip at mapanagot kung sino sa TRB at mga toll operators ang may pagkukulang.