Madalas na power outages sa maraming lugar sa bansa, agad na pinatutugunan ng isang senador sa pamahalaan

Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang Palasyo ng Malakanyang na agad resolbahin ang madalas na nararanasang power outages sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kabila na rin ng naging pangako na may sapat na suplay ng kuryente para sa taong ito.

Ang apela ng senadora ay kasunod ng serye ng blackouts na naranasan noong nakaraang linggo sa mga isla ng Guimaras, Panay at Negros kung saan apektado ang Visayas Grid, sa Occidental Mindoro kung saan ilang linggo na rin na 20 oras na walang kuryente kada araw at ang power outage sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakaapekto sa operasyon at flights ng mga airline.

Hinimok ni Hontiveros ang pangulo partikular ang energy officials na magpaliwanag at agad tugunan ang napapadalas na pagkawala ng kuryente sa maraming lugar sa bansa.


Giit ni Hontiveros na hindi pwedeng dasal lang ang tugon ng pamahalaan sa problema sa kuryente ng bansa.

Punto ng senadora, lahat na ng grids mula Luzon, Visayas at Mindanao ay patay sindi ang serbisyo dagdag pa ang mga Yellow at Red Alerts sa iba’t ibang probinsya at mga lalawigan tulad sa Mindoro na apektado na nga ng oil spill, tinanggalan pa ng serbisyo ng kuryente.

Himutok ng mambabatas, hindi dapat pinapahirapan ang taumbayan sa ganitong sitwasyon lalo pa sa gitna ng napakainit na summer season.

Kasabay pa nito ay kinukwestyon din ni Hontiveros ang ‘timing’ ng pahayag ng Malakanyang kaugnay sa balak na pagpasok ng mga private sector mula sa US para maglagay ng nuclear power projects sa Pilipinas.

Aniya, ang mga ganitong proyekto ay hindi ang agad na solusyon sa problema sa kuryente ng bansa bukod pa sa ito ay desperado, mapanganib at pekeng solusyon para sa ating pangangailangan sa enerhiya.

Facebook Comments