Sa isinagawang operasyon, may kabuuang 26 na timbangan ang ininspeksyon kung tama ang lumalabas na timbang gamit ang calibrated test weights kung saan anim (6) dito ang nakitaan ng pandaraya.
Samantala, may 26 ding mga negosyo ang sinuri kung sila ay sumusunod sa fair-trade laws at pito (7) dito ang nakitang may paglabag.
Agad naman silang inisyuhan ng Notice of Violation.
Sa naturang bilang, tatlo ang nakitang may paglabag sa Price Tag Law (RA 71) at Consumer Act (RA 7394) dahil sa pagbebenta ng produkto na walang price tag habang ang tatlo ay may paglabag sa Accreditation o PD 1572 dahil sa pag-ooperate ng service and repair shop ng walang accreditation certificate.
Ang isa naman ay lumabag sa Product Standards Law o RA 4109, dahil sa pagbebenta ng produkto na walang PS mark o ICC sticker.
Kaugnay nito, mayroon ding mahigit 80 piraso na uncertified lighters at bumbilya ang nakumpiska.
Samantala, nagkaroon naman ng pag- uusap sa pagitan ni Ginoong Elmer Agorto ng DTI Isabela at mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng San Agustin hinggil sa pag update ng Local Price Coordinating Council ng munisipalidad, pagpapatibay ng implementasyon ng Price Tag Law, pagbuo ng Price Action Team at ang paglalagay ng price bulletin board sa mga pampublikong pamilihan, monitoring and enforcement activities at iba pa.
Ginawa ang naturang inspeksyon at pagkumpiska noong Agosto 15, 2022.