Manila, Philippines – Nagdesisyon na ang Armed Forces of the Philippines na huwag nang kasuhan ang komedyante na si Mae Paner o mas kilala bilang Juana Change.
Paliwanag ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, ito ang iniutos ni AFP chief of Staff General Eduardo Ano, matapos ang kanilang naging pag-aaral o pagsusuri.
Lumabas kasi aniya sa kanilang pag-aaral ay hindi naman binastos, nilapastangan at ininsulto ni Paner ang mga sundalo damit ang kanilng uniporme bagkus ay pinuri at nagpakita pa ito ng suporta sa mga sundalo.
Paliwanag ni Padilla, batay sa kanilang natanggap na impormasyon ay wala namang masamang layunin si Paner sa pagsusuot ng uniporme ng sundalo a sa halip ay sa ngalan lamang ng sining kaya ito ginawa ng komedyante.
Pero sa bandang huli naman ay nagbabala din naman si Padilla sa publiko na huwag magsuot ng uniporme ng mga sundalo at gumawa ng masama dahil ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Ipinaliwanag din ni Padilla na ang isinuot ni Paner na uniporme ay ang battle dress ng mga sundalo at sa ibang pagkakataon ay ito ang suot ng mga namamatay at nasusugatang sundalo.
Hinimok naman ni Padilla si Paner na kung talagang gustong makatulong ay sumali ito sa reserve force ng AFP.
Nilinaw naman ni Padilla na ang mga dating isinuot ni PCO assistant secretary Mocha Uson ay nabibili lamang na mga apparel at wala namang nakalagay na patch ng sundalo.
Nasa proseso din naman aniya si Uson na maging reservist ng AFP.