Nagpapatuloy ang pagsisikap ng Ministry of Agriculture , Fisheries and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o MAFAR BARMM para makapagpaabot ng tulong sa mga magsasaka lalo na ngayong may kinakaharap na krisis na dulot ng COVID 19.
Kabilang na rito ang inilunsad na Planting Festival na naglalayong mas dumami pa ang mga mahaharvest na palay ng mga magsasaka sa Maguindanao .
Sa nasabing programa tinutulungan ng MAFAR BARMM kasama ng Philrice at Bureau of Plant Industry ang magsasaka na maisigurong magkaroon ng magandang harvest ang bawat masasaka ng palay sa pamamagitan ng mga makabagong pagtatanim at dekalidad na uri ng binhi.
Kanina, tinungo mismo ni MAFAR BARMM Assistant Minister for Operation Engr. Ismael Guiamel ang mga liblib na baranggay sa bahagi ng Guindulungan, Mamasapano at Shariff Saidona Mustapha at personal na ipinaabot ang mensahe ni MAFAR BARMM Minsiter Mohammad Yacob at BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim .
Sinasabing sa bagong gobyerno sa ilalim ng BARMM sinisiguro ng mga ito na matutulungan ang magsasaka . Mismong ang gobyerno na aniya ang lalapit sa mga komunidad para mamahagi ng tulong na kinabibilangan ng farm equipments at binhi , bukod pa sa pagpapadama ng tunay na halaga sa mga ito.
Iginiit pa ni Assistant Minister Guiamel na ang “Backbone ng Ekonomiya” ay ang mga magsasaka. Mas higit aniyang nangangailangan ng tulong ngayong panahon ang mga ito lalo pa at nahaharap sa krisis ang marami dahil sa Covid 19.
Kinakailangan rin aniyang sapat ang suplay ng bigas sa Bangsamoro Region ngayong may pandemya na dulot ng Covid.
Kaugnay nito, sakaling magtatagumpay ang mga inisyatiba ng MAFAR BARMM sa mga magsasaka, inaasahan aniya ang tone- toneladang suplay ng bigas sa susunod na mga buwan.