Manila, Philippines – Inaabangan lang ng Palasyo ng Malacañang ang magiging kapalaran ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa harap na rin ng Impeachment Complaint laban dito at ang isinampang Quo Warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon ay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, anumang magiging hatol ng Impeachment Court at ng Korte suprema kay Sereno ay ipatutupad ng Malacañang.
Sinabi din ni Roque na unprecedented o walang kahalintulad na kaso ngayon ang paghahain ng Quo Warranto petition sa isang nakaupong Chief Justice at mayroon pa itong kinakaharap na impeachment case kaya mag-aabang lang ang Ehekutibo sa issue na kahihinatnan ng mga kaso.
Kaugnay niyan ay naniniwala naman si Roque na hindi apektado ng indefinite leave ni Sereno ang pang araw-araw na takbo ng Korte Suprema dahil mayroon namang tumatayong Officer-in-Charge sa katauhan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio.