Arestado ang isang security guard at ang menor de edad nitong anak matapos umanong pagtulungang saktan at sirain ang traysikel ng isang mag-anak sa Barangay Maniboc, Lingayen, Pangasinan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sinundan umano ng suspek ang mga biktima sa kanilang bahay matapos mahagip ng traysikel ng mga biktima ang side mirror ng sasakyan nito.
Nauwi sa suntukan ang argumento ng dalawang lalaki, ngunit sinasabing hindi pa rin tumigil ang suspek sa pambubugbog sa biktima kahit humandusay na ito sa sahig.
Nadawit din ang mag-ina ng biktima habang sinusubukang awatin ang panununtok at panghahataw gamit ang bakal na tubo, bago tuluyang makatakbo patago sa kanilang bahay.
Tinawag pa ng suspek ang kanyang anak at magkasamang binato ang bahay ng mga biktima at sinira ang kanilang traysikel bago umalis dala ang ginamit na bakal.
Dinala sa pagamutan ang mga biktima habang naaresto naman ang mga suspek.
Nasa kustodiya na ng awtoridad ang matandang suspek, samantalang ipinasakamay sa Women and Children Protection Desk ang menor de edad na sangkot sa insidente.









