Mag-ama na Pinagbabaril sa Mallig Isabela, Ama-Patay!

Mallig,Isabela – Patay ang ama at nilalapatan pa ng lunas ang anak matapos pagbabarilin ng mga armadong suspek kagabi sa Barangay San Jose Norte 1, Mallig, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office na mula rin sa ulat ng Mallig Police Station, kinilala ang mag-ama na sina Ricky Pardua, apatnapu’t anim na taong gulang at Brix Pardua, kinse anyos, grade 9 at pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Mallig, habang umiinom umano sa loob ng bahay ang ama ay kumatok sa pinto ang dalawang suspek kung saan ay pinagbuksan naman ng anak.


Pagkabukas umano ng pinto ay hinanap kaagad ng mga armadong suspek si Ricky Pardua at nang makita ay basta na lamang pinagbabaril.

Dahil dito ay nakipag-bunuan naman umano si Brix ngunit binaril din sa likurang bahagi ng kanyang katawan.

Itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang mag-ama ngunit idineklarang dead on arrival na ang ama samantalang nilapatan ng lunas ang anak.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa motibo ng pamamaril sa mag-ama ng Mallig, Isabela.

Facebook Comments