*Quezon, Isabela-* Nasampahan na ng kasong Murder o pagpatay ang mag-ama na pumaslang sa kanilang amo sa Brgy Arellano, Quezon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Captain Fresiel Dela Cruz, hepe ng PNP Quezon, Isabela, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mag-amang suspek na sina Edwin Seguin at Jerry Seguin na residente ng Sitio Talaca, Barangay Lepanto, Quezon, Isabela.
Ayon kay Police Captain Dela Cruz, sumailalim na kahapon sa inquest proceedings ang dalawang suspek kung saan inamin ng mga ito ang pagpatay sa kanilang boss na si Ramon Cuizon, 63 anyos, may asawa at residente ng Brgy Arellano, Quezon, Isabela.
Magugunita na noong Marso 28, 2019 ng umaga, natagpuan ang nakalutang na bangkay ng biktima sa isang irigasyon sa Brgy Arellano na halos mapugutan ng ulo habang pinutol naman ang kaliwang kamay ng biktima.
Bago pa nangyari ang insidente, inutusan umano ni Ramon ang mag-ama na patubigan ang kanilang sinasakang bukirin subalit tinanggihan ng mga ito ang utos ng kanilang amo.
Dagdag dito, habang nakaduyan ang biktima ay dumating si Jerry Seguin at nakipagtalo pa kay Ramon at bigla na lamang hinataw at tinaga ang biktima gamit ang isang itak.
Matagumpay namang naaresto ng mga rumespondeng kasapi ng PNP Quezon ang mag-ama sa tulong na rin ng mga nakakita sa insidente.