Cauayan City, Isabela- Inoobserbahan pa rin ang lagay ng isang 13-anyos na binatilyo makaraang masabugan ito ng vintage bomb at mapuruhan ang kanyang dalawang kamay habang isang kamay naman ng kanyang ama ang naapektuhan ng mapulot ng bata pasado ala-una ng hapon ang bomba sa kabundukang bahagi ng Brgy. Mission sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PCapt. Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta. Teresita, posibleng tinangkang lagariin para buksan ang bala ng 60MM mortar na may habang 12 pulgada at bigat na isang kilo kung kaya’t agad itong sumabog.
Ayon pa sa hepe, nagawa pang iuwi ng mag-ama ang natagpuang bomba dahil sa pag-aakalang pwede pa itong mapakinabangan.
Nakilala naman ang mag-amang biktima na si Mark Terrence Siruno at Roldan Siruno, 48-anyos na patuloy na nagpapagaling sa pagamutan matapos ang insidente.
Paalala naman ng mga otoridad na huwag tangkaing buksan ang kahit anumang explosive device para maiwasan ang anumang insidente.