Mag-ama-Patay; 5 Sugatan sa Salpukan sa San Mariano, Isabela!

*San Mariano, Isabela- *Dead on the Spot ang apat na taong gulang na bata habang binawian naman ng buhay ang ama nito matapos isugod sa pagamutan kahapon pagkaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na traysikel sa Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang mga nasawi na sina Erickson Tagapan, 37 anyos, drayber ng motorsiklo at Rixiejean Tagapan samantalang sugatan din ang ina ng bata na si Julie Tagapan na pawang mga residente ng Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.

Nagtamo rin ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang suspek at drayber ng nakasalpukang tricycle na si Erickson Maguddayao, 24 anyos, binata, nakatira sa Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela maging ang tatlo pa nitong sakay na estudyante.


Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Fedimer Quitives, hepe ng PNP San Mariano, nagsalpukan sa pakurbang bahagi ng lansangan ang dalawang behikulo matapos mag-overtake si Tagapan sa sinusundang sasakyan.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang batang biktima na nakaupo sa harap ng motorsiklong minamaneho ng tatay na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Isinugod naman sa ibang pagamutan ang mga sugatang estudyante maging ang nanay at asawa ng biktima para sa kanilang karampatang lunas.

Nasa kustodiya na ng PNP San Mariano ang suspek at inihahanda na ang kasong kakaharapin ni Maguddayao.

Facebook Comments