Mag-Ama, Timbog sa Pagdidilig ng Tanim na Marijuana

*Cauayan City, Isabela*- Huli ang mag-ama dahil sa pagdidilig ng tanim nitong marijuana  pasado alas dos ng hapon kanina sa Brgy. Osmeña, Ilagan City, Isabela.

Nakilala ang mga suspek na sina Noel Mondonedo, 58 anyos, may asawa, walang trabaho at anak nitong si Charles Nico Mondonedo, 25 anyos, binata at kapwa residente ng Purok 7, Brgy. Osmeña sa nasabing lungsod.

Ayon kay PCpl. Alberto Ace Valenzuela, imbestigador ng PNP Ilagan City, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na dinidiligan ng mag-ama ang kanilang tanim na marijuana sa kanilang bakuran.


Agad namang tumugon ang mga intel operatives sa lugar at nagsagawa ng surveillance  hanggang nagpositibo ang impormasyon laban sa mag ama.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001 ang mag ama.

Facebook Comments