Mag-asawa, arestado matapos marekober ang kalansay ng batang babae sa kanilang attic

(Picture from Unsplash)

Humaharap sa magkakaibang kaso ang mag-asawa mula Arizona matapos marekober ang kalansay ng isang bata sa kanilang attic na sinasabing tumagal na ng mahigit dalawang taon.

Pinaratangan ng kasong child abuse, abondonment or concealment of a dead body, at arson of an occupied structure ang mga suspek na sina Rafael Loera, 56 at Maribel Loera, 50 dahil sa panununog ng bahay nang mahuli ng awtoridad.

Sa ulat ng Arizona Republic, sinunog ni Mr. Loera ang kanilang tinitirhan nang malaman ng awtoridad ang ginagawang pang-aabuso kung saan natagpuan ng mga bumbero ang kalansay ng bata.


Nang makapanayam si Mr. Loera, inamin nitong pagmamay-ari ng isa sa kanilang mga ampon ang nakitang kalansay.

Sa kanyang iniwang salaysay, namatay daw ang bata habang idinadala sa ospital noong 2017 nang bigla raw itong magsuka at mangisay.

Sa takot na tanggalan ng karapatang alagaan ang ilan pang ampon ay nagpasya raw silang itago ang katawan sa kanilang attic.

Base sa report ng pulisya, bago mangyari ang sunog ay isang 11-anyos na babae ang una nang tumawag sa kanilang himpilan nitong Enero 20 para sabihing dalawang araw na umano itong hindi kumakain.

Ang bata ay isa rin sa mga ampon ng mag-asawa na humihingi ng tulong nang iwang nag-iisa sa bahay at walang pagkain.

Agad na rumisponde ang mga pulis kung saan naabutan nila ang mga nagkalat na dumi ng tao sa sahig.

Nasagip nila ang bata at nadiskubre ang ilang sugat sa katawan nito na sinabing madalas umanong saktan ng nanay.

Nito lamang Enero 28, binigyan ng kustodiya ang Arizona Department of Child Safety sa dalawa pang batang nakatira sa bahay, isang 9-anyos lalaki at 4-anyos babae na nakitaan din ng maraming pinsala sa ilang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon, inamin ni Mr. Loera na madalas daw niyang naaaktuhan ang pananakit ng asawa sa mga bata ngunit natatakot umano siyang magsumbong sa mga pulis.

Sinabi rin nitong inaabuso rin ng asawa ang batang kalaunan lamang ay narekober ng mga pulis sa attic.

Nang makuha sa mga suspek ang mga bata ay nagpasyang magpakamatay si Mr. Loera kaya umano nito sinunog ang bahay ngunit hindi nangyari dahil mabilis na narespondehan ng mga bumbero.

Natagpuan din sa loob ng tirahan si Ms. Loera na noo’y pinipilit apulahin ang apoy.

Si Mr. Loera ay humaharap sa two counts of child abuse, one count of abondoning or concealing a dead body at one count of arson habang ang asawa nito ay hinablaan ng abondonment or concealment of a dead body at two counts of child abuse.

Facebook Comments