Mag-asawa, arestado sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng ID

Nasamsam ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang samu’t-saring pekeng government IDs at dokumento sa ikinasang operasyon sa Valenzuela City nitong Setyembre 8.

Ayon kay PNP-ACG Director PBGen. Bernard Yang, ipinatupad ng Northern District Anti-Cybercrime Team ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data sa bahay ng mag-asawang suspek na kinilala sa mga alyas na “Chippie” at “Kaye.”

Mahigit 200 pirasong TIN, PhilHealth, Pag-IBIG at National ID ang narekober, kabilang din ang mga pekeng PhilPost, driver’s license, PRC ID at iba pa.

Ibinebenta umano ng mag-asawa ang mga pekeng dokumento sa halagang ₱40 hanggang ₱1,000 at dinadala pa sa mga buyer gamit ang delivery service.

Depensa ng mga suspek, nagpi-print at naglalaminate lang daw sila, pero hindi sila ang gumagawa ng mismong pekeng ID.

Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments