OHIO, USA – Pinatunayan ng mag-asawa na “till death do us part” nang sabay silang pumanaw sa parehong araw habang magkahawak ang kanilang mga kamay.
Viral ngayon ang istorya nina Bill at Nancy Schafrath dahil sa loob ng 64 taong pagsasama, hanggang sa huling sandali ay hindi nila iniwan ang isa’t isa.
Unang nalagutan ng hininga si Bill sa edad na 88, bandang 7:00 am ng Disyembre 24, at sinundan ng kanyang misis na si Nancy bandang 11:00 am sa edad na 85.
Ayon sa ulat, ilang linggo bago mamatay ang dalawa, pinagdikit na ng kanilang pamangkin na si Pat Cornelius ang kanilang higaan matapos umanong mawalan na ng kakayahang tumayo.
Ani Pat, “They literally held hands for the last week of their life.”
Saad naman ni Fr. Richard Samide ng St. Mary of the Immaculate Conception church na nanguna sa burol ng dalawa, ito raw ang unang pagkakataon na makakasaksi siya ng mag-asawang sabay ililibing.
“Certainly for me, this is a first, a Mass where we are burying a married couple together, who died on the same day,” sabi niya.
Dagdag pa ni Samide, dahil walang mga anak ang dalawa, nakahanap sila ng pamilya sa kanya-kanyang organisasyon na kanilang kinabibilangan.
Si Nancy ay naging empleyado ng Every Woman’s House sa loob ng 35 taon samantalang si Bill ay dating US Army chef dahil sa pagmamahal nito sa pagluluto.
Kapag wala umanong trabaho ang dalawa, nagbo-boluntaryo silang pareho sa isang charity.
Samantala, hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na may mag-asawang pumanaw sa parehong araw.
Noong Pebrero ngayong taon, isang mag-asawa rin mula New York ang sabay na namatay matapos ang 70 taong pagsasama.