Cauayan City, Isabela- Pinapayagan na sa Lungsod ng Cauayan ang mag-asawa na angkas sa motorsiklo batay sa pinahuling abiso na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, bagama’t nakasaad sa inisyal na kautusan ng national government na kinakailangan ang pagkakaroon ng marriage certificate ay mayroon din inihahanda ang mga barangay sa lungsod na isang IDs na siyang gagamitin ng mag-asawa dahil sumailalim nasa assessment ang mga bibigyan nito.
Aniya, may hindi rin kasi malinaw sa ilang panuntunan kung papayagan din ang pag-angkas ng iba pang miyembro ng pamilya gaya ng anak, kapatid lalo pa’t nakatira ang karamihan sa iisang bahay lamang subalit paglilinaw ng opisyal na tanging mag-asawa lang muna ang papayagan sa pag-angkas.
Sa ngayon, ipinag-utos ni Dy sa apprehension team na huwag gaanong maging mahigpit sa pagpapatupad sa usapin ng angkas hanggang sa wala pang pormal na ibinababang guidelines ang national government.
Hiniling naman ng opisyal na sundin pa rin ang ilang health protocol upang makaiwas sa posibleng paghawa sa sakit.