Mag-asawa, naglakad mula Pasig hanggang Makati bitbit ang labi ng anak

Contributed photo

Napilitang maglakad ang isang mag-asawa mula Pasig City hanggang Makati City, dala ang bangkay ng kanilang sanggol na pumanaw sa kasagsagan enhanced community quarantine sa Luzon.

Halos limang kilometro ang binaybay nina Analyn Flores at Rodel Canas mula Rizal Medical Center pauwi sa barangay East Rembo, sa kagustuhang mabigyan ng disenteng libing ang anak.

Nitong Abril 13 nang mamatay ang 32-day-old na si baby Roniel dulot ng severe sepsis at hospital-acquired pneumonia.


Higit isang buwang naka-confine ang sanggol na isinilang nang premature noong Marso 11.

Bukod sa hindi mabayaran ng amang construction worker ang P245,000 na bill sa ospital, wala rin silang magamit na sasakyan upang maiuwi ang anak.

Nakiusap pa umano ang mag-asawa na ipagpapabukas na lang nila ang pagkuha sa katawan, pero sinabi raw ng ospital na isabay na sa pag-uwi para hindi na balikan pa.

Sabi naman ng ospital, mayroong polisiya sa morgue na kung hindi pa nakukuha ng kaanak ang labi sa loob ng apat na oras ay dadalhin na ito sa punerarya.

Si Rodel daw ang nagpumilit na iuwi na lang anak dahil wala silang pambayad sa pag-cremate.

Pumayag silang ilabas ang katawan at sinabihan ang mag-asawa na humingi ng certidicate of indigency upang makatulong sa bayarin sa ospital.

Nang makauwi, balak sana ng mag-asawa na ilibing sa bakuran ang sanggol, ngunit hindi pumayag ang kapitan ng East Rambo na si Thelma Ramirez.

Dala ng simpatiya, sinagot na ng kapitana ang pagpapa-cremate sa bata matapos malaman ang sinapit ng pamilya, ayon sa Facebook post ng barangay.

Samantala, nakikiramay naman ang Rizal Medical Center sa pagpanaw ng bata at iginiit na hindi nila ginusto ang kinahantungan ng sitwasyon.

“Sa huli, hindi ninais ng aming ospital na maging ganito ang sitwasyon. Muli, kami ay nakikiramay sa mga magulang at kamag-anak ng sanggol na ito. Sa lahat ng aming makakaya, kami ay narito upang tumulong,” anila.

Facebook Comments