Mag-asawa Patay, Anak Sugatan sa Salpukan ng Van at Tricycle!

Ramon, Isabela – Patay ang mag-asawa habang sugatan ang kanilang 8 anyos na anak sa nangyaring salpukan ng Tricycle at Van kagabi sa pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Raniag, Ramon, Isabela.

Kinilala ang mga nasawing biktima sina Romeo Fernandez Vicarme, driver ng Tricycle at asawa nitong si Tasing Cuenta Vicarme, 33 anyos at sugatang anak na si Althea Cuenta Vicarme, 8 anyos pawang mga residente ng Brgy. Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Kinilala naman ang suspek at driver ng Starex Van na si Ruben Tagle Abrenica, 49 anyos at residente ng nabanggit na lugar.


Batay sa nakuhang report ng 98.5 RMN Cauayan, binabagtas umano ni Tagle ang nasabing lansangan nang biglang sumulpot ang Tricycle na minamaneho ni Vicarme.

Sa bilis ng takbo ng Van ay hindi nito napansin at naiwasan ang paparating na Tricycle at nasalpok niya ito na sanhi ng agarang kamatayan ng mga biktima.

Agad naman na naisugod sa pagamutan ang sugatang si Althea para sa kanyang kaukulang lunas.

Samantalang ang labi ng mag asawa ay dinala na sa isang punerya.

Isinugod rin sa pagamutan ang sugatang pasahero ng van habang dinala na sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Double Homicide, Physical Injury and Damaged to Property.

Facebook Comments