Kinilala ang mag-asawang biktima na sina William Dela Cruz, 35 taong gulang, heavy equipment operator at Emalyn Dela Cruz, 36 taong gulang, secretary at kapwa residente ng Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela.
Habang ang suspek na drayber ng KIA Pride na sasakyan na may plakang UGA 916 ay kinilalang si Henry Baccay, 62 taong gulang, residente ng brgy. Gucab, Echague, Isabela.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, sakay ng motorsiklo ang mag-asawa na minamaneho ng mister patungo sa bayan ng Alicia, Isabela habang patungo naman sa magkasalungat na direksyon ang sakay ng suspek.
Habang magkasunod na bumabaybay sa national highway ang motorsiklo at sasakyan ay bahagyang umikot ang suspek papasok sa kaliwang kanto subalit habang papunta ito sa kanto ay aksidenteng natumbok ang likurang bahagi ng sinasakyang motorsiklo ng mga biktima.
Sumemplang sa kalsada ang mga biktima at nagtamo ng severe injuries sa katawan habang nagawa namang tumakas ng suspek at sumuko na lamang sa himpilan ng Echague Police Station.
Parehong dinala sa ospital ang mag-asawang biktima subalit idineklara rin ang dalawa na dead on arrival (DOA).
Kaugnay nito, ipinasakamay naman ng kapulisan ng PNP Echague ang suspek sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang pagsasampa ng kaso.
Disidido naman ang kaanak ng mga biktima na sampahan ng kaso ang suspek na ngayo’y nasa pangangalaga ng pulisya.
Mahaharap ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Double Homicide and Damage to Property.