Cauayan City, Isabela- Nagpositibo sa rapid test ang mag-asawa mula sa Bayan ng Alcala, Cagayan matapos lumabas ang resulta mula sa Municipal Epidemiological Surveillance Unit (MESU).
Sa facebook post ni Municipal Mayor Tin Antonio, sinabi niya na ang kapwa 30-anyos na mag-asawa ay tubong Brgy. Tupang sa nasabing bayan at nanggaling umano sa kalakhang maynila.
Dagdag pa ng alkalde na ang resulta ng rapid test ay hindi pa masasabing confirmation na positibo talaga ang pasyente at kailangan pa umanong dumaan sa maraming test at isa na rito ang real time – polymerase chain reaction (RT-PCR test).
Aniya, ang RT-PCR test ang basehan ng Department of Health para opisyal na madeklara ang isang pasyente na confirmed COVID-19 patient.
Nabatid na ‘asymptomatic’ o walang sintomas ang mag-asawa at agad na isinailalim sa 14-days quarantine ang mister nito sa nakalaang pasilidad ng Lokal na Pamahalaan ng Alcala.
Habang sasailalim sa strict home quarantine ang kanyang misis habang mahigpit na babantayan ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
Hinihintay na lamang sa ngayon ang resulta ng PCR Test ng mag-asawa habang nananatili ito sa pangangalaga ng mga health authorities.
Nakiusap naman ang alkalde sa publiko na panatilihin pa rin ang pagsunod sa mga panuntunan upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng nasabing sakit.