Mag-asawa sa Pakistan, pinatay ang kasambahay nang mapakawalan umano nito ang mamahalin nilang parrot

1094
(Unsplash)

Arestado ang mag-asawa sa Pakistan sa kasong pag-torture at pagpatay sa 8-anyos nilang kasambahay nang aksidente umano nitong mapakawalan ang kanilang dalawang mamahaling parrot.


Sa report ng Pakitan police, inamin daw ni Hassan Siddiqi at kanyang asawa ang ginawang krimen dahil umano sa sobrang galit sa naturang yaya.

Nililinis daw kasi noon ng biktima ang kulungan ng parrots nang bigla itong makatakas at makalipad papalayo.

Dito raw nagsimulang magalit ang dalawa kaya brutal na sinaktan ang bata.

Dahil sa insidente ay nawalan umano ng malay ang biktima kaya agad isinugod sa isang pribadong ospital noong Mayo 31.

Nakabitan pa umano siya ng ventilator habang nasa ICU ngunit pumanaw din kinabukasan.

Ayon sa sa pulisya, mismong si Hassan pa ang nagdala sa bata sa ospital ngunit bigla na lang daw itong naglaho kinalaunan.




Nang mahuli ay agad siyang inaresto kasama ng kanyang maybahay dahil sa tinamong pinsala ng paslit.

Base naman sa medical report mula sa ospital, mayroong marka at sugat na naiwan sa pisngi, buto-buto at hita ng biktima.

May mga sugat din daw itong hindi pa tuluyang gumagaling.

Naiulat din na may mga bakas sa ilang parte ng katawan ng bata na indikasyon umano ng rape.

Batay pa sa salaysay ng pulisya, nagmula ang biktima sa isang siyudad sa Punjab at ipinasok lamang ng kanyang uncle sa naturang mag-asawa.

Nangako raw kasi ang mga suspek na paaarlin ito at sasahuran ng sapat kada buwan na hindi naman umano nangyari ayon sa report.

Facebook Comments