Mag-asawa, sugatan matapos saktan ng isang lalaki dahil umano sa mabahong banyo

Lubhang nasaktan ang mag-asawa mula Lucena City matapos ilang beses na pagpapaluin ng tubo sa ulo ng isang lalaki dahil umano sa mabahong banyo.

Nagtamo ng malaking sugat at basag sa ulo si Joel Torres habang may bukol naman sa noo ang asawa nitong si Imelda.

Base sa report ng Lucena police, nagkaroon daw ng pagtatalo ang suspek na si Joel Flores, 33 at ang mag-asawa bandang 11:00pm, Linggo, Pebrero 2.


Nagkaroon ng diskusyon ang magkabilang partido dahil umano sa umaalingasaw na mabahong amoy ng banyo sa kanilang lugar sa Barangay Isabang.

Nang magkainitan, dito na nagsimulang magkasakitan ang tatlo.

Habang nasa impluwensya ng alak, pinalo ni Flores sa ulo si Joel gamit ang bakal na tubo  saka binato ng bato si Imelda na agad namang naisugod sa ospital ng kanilang mga kaanak.

Samantala, ayon sa salaysay ng mag-asawa, matagal na raw hindi nagagamit ang banyo dahil barado ito.

Inaresto naman bandang alas 2:00am ng Martes ang suspek na nasa kustodiya na ng city police jail.

Facebook Comments