
Suportado ni House Infrastructure Committee Co-Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang posisyon ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na dapat munang magsauli ng pera at ari-arian ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya bago sila maikonsidera sa witness protection program.
Paliwanag ni Ridon, ang naturang hakbang ay magpapakita ng commitment at mabuting intensyon ng mag-asawang Discaya na makipagtulungan ukol sa imbestigasyon sa maanumalyang flood control projects.
Inihalimbawa ni Ridon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engr. Brice Hernandez na nagsauli ng mga sasakyan.
Diin ni Ridon, mahalagang maipakita ng Discaya couple sa buong bayan, hindi lang sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Department of Justice (DOJ) na sinsero talaga silang pangalanan ang lahat ng mga sangkot sa katiwalian sa mga proyetong pipigil sana sa pagbaha bago sila maikonsidera sa witness protection program.










