
Muling nagtungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya kahapon.
Ito ay para sa pagsusumite ng mga ebidensiya kaugnay sa mga maanomalya at palpak na flood control projects ng pamahalaan.
Magkahiwalay na dumating ang mag-asawa dahil nananatili pa rin sa kustodiya ng Senado si Curlee.
Ito ay kahit itinuturing na silang protected witnesses kasama ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na dawit sa anomalya.
Hindi naman nagpaunlak si Sarah nang pumasok ito sa tanggapan ng DOJ pero sumenyas ito ng finger heart.
Habang paglabas ay sinabi nito sa mga nakaabang na media na gandahan ang memes sa kaniya.
Paglilinaw naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, bagama’t nasa ilalim na ng Witness Protection Program ay hindi pa sila ikinononsiderang state witness.









