Muling nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kaugnay ng mga batas na dapat sundin bago makalabas ng bansa.
Kasunod na rin ito ng repatriation ng mag-asawang Pilipino mula Laos.
Ang mag-asawa ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 lulan ng Air Asia flight.
Ang mag-asawa ay tumulak sa Malaysia noong April 2023 at iniwan ang apat na anak.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang dalawa ay na-recruit umano sa pamamagitan ng Facebook na magtatrabaho bilang “Tele Sales Agent” at pinangakuan ng sahod na P45,000 bawat isa.
Nang makarating ang mga biktima sa Malaysia ay dito na sila ibiniyahe patungong Bangkok at dumaan ng Mekong River saka isinakay sa speed boat pa-Laos.
Ayon sa mag-asawa sila ay sinundo ng dalawang Chinese at dinala sa kanilang work areas.
Sa walong taon, nagtrabaho ang mag-asawa bilang Telesales agents ng online casino at nanghihikayat ng mga Pinoy sa pamamagitan ng mga contacts na ibinigay umano ng kanilang Philippine-based employer.
Pero noong Disyembre hanggang Enero ngayong taon ay idinitine raw ang mga ito at sila ay pisikal na inabuso ng kanilang mga employer.
Gumastos muna raw ang mag-asawa ng P800,000 para sila ay palayain.
Masuwerte namang nakatawag ang mga biktima sa kanilang mga pamilya at agad nakahingi ng tulong sa Philippine Embassy.