Inaresto ang mag-asawang Pinoy na nagmamay-ari ng isang home-based assisted living facility sa Arizona, USA kaugnay ng pagkamatay ng isang 69-anyos lalaki na nasa pangangalaga nila.
Idinemanda sa hinihinalang kapabayaan sina Lolita at Joseph Somera, kapwa 56-anyos, nitong Lunes, ayon sa Arizona Attorney General’s Office.
Ayon sa imbestigasyon, pumalya ang airconditioner sa pasilidad noong Agosto 16 nakaraang taon, at makalipas ang dalawang araw, saka lang tumawag sa 911 si Lolita nang wala nang malay at hindi na kumikibo ang matanda.
Base sa medikal na pagsusuri, ikinamatay ng biktima ang malalang sakit sa bato at pneumonia, at nakaambag pa umano rito ang matinding init.
Umabot sa 100 degrees o 37.8 Celsius ang temperatura sa kuwarto ng matanda.
Dagdag pa ng awtoridad, kuwestiyunable rin ang immigration status ng mag-asawang Somera.