Cauayan City, Isabela – Mayroon ngayong inoobserbahan na mag-ina na nagpakita ng simtomas ng NCoV sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Ang mag-ina ay kagagaling lamang sa pamamasyal mula sa Hong Kong.
Sa ginawang panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Danilo ‘Dan’ Alejandro, pinuno ng Region II Trauma and Medical Center o Veterans Regional Hospital na nakabase sa Nueva Vizcaya ay kanyang ibinahagi na isinagawa ang mga pagsusuri sa dalawa bilang pagtalima sa protocol na inilatag ng DOH laban sa NCoV.
Ayon sa kanya ay kanila nang ipinasa sa DOH Central Office ang mga blood samples upang ito ay masiyasat kasama na ang record at obserbasyon sa ginawa nilang inisyal na pagsusuri. At habang hinihintay ang resulta ay nakalagay muna sa isolation room ng Veterans Regional Hospital ang dalawa.
Sinabi ni Dr Alejandro na ang hindi pa pinangalanang mag-ina ay namasyal sa Hong Kong at nilagnat ang mga ito bago pa man umalis sa Hong Kong, nabigyan ng gamot at sumailalim rin umano sa pagsusuri doon. Ngunit bilang panigurado ay kanila muling sinuri pagkadating nila sa Nueva Vizcaya.
Pinawi naman ni Dr Alejandro ang ligalig mula sa kumakalat sa social media na positibo umano ang mag-ina sa NCoV. Aniya ay wala itong katotohanan at hihitayin pa nila ang pinal na resulta na kalaunan ay ipapalabas din ng kagawaran ng kalusugan.
Samantala, isang 25 anyos naman na indibidwal mula sa Penablanca, Cagayan ang sinuri sa Cagayan Valley Medical Center, Tuguegarao City dahil nakitaan ng sintomas ng posibleng NCoV infection.
Sa ginawang panayam ng 98.5 iFm Cauayan kay Dr. Glen Mathew Baggao, pinuno ng Cagayan Valley Medical Center ay sinabi niyang napauwi na ang pasyente matapos mawala ang lagnat at iba pang sintomas ng posibleng pagkapit sa kanya ng NCoV.
Ang indibidwal na isinailalim sa pagsusuri ay galing sa Macau, China noong ikatlong Linggo ng Enero. Idinagdag ng doktor, na kaya nila ito sinuri ay dahil sa paninigurado na maprotektahan ang bansa mula sa pinangangambahang virus na nagmula sa Wuhan, China.
Batay kay Dr Baggao, ang mga konsiderasyon kung bakit ang isang indibidwal ay susuriin ay kung galing ito sa bansang mayroong kumpirmadong kaso ng NCoV at nagpakita ito ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, kahirapang paghinga at sipon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kinumpirma na ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH sa pamamagitan ni kalihim Kalihim Francisco Duque III na mayroon nang isang kaso ng positibo sa NCoV na nagmula sa unang 23 kaso na inobserbahan at inilagay sa isolation room sa mga ilang hospital sa bansa.
Tags.:98.5 iFM Cauayan, Dr. Danilo ‘Dan’ Alejandro, Dr. Glen Mathew Baggao, Bayobong, Nueva Vizcaya, Tuguegarao City, Cagayan, nCoV, DOH, Francisco Duque III