Kalaboso ang mag-inang extortionist makaraang arestuhin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa robbery extortion sa Sta. Mesa, Manila.
Kinilala ang mga suspek na sina Jingky Joy Sena at kanyang ina na si Maricar Sena.
Napag-alaman na nakatanggap ng reklamo ang NBI mula sa isang complainant sa General Santos City matapos na ma-hack ng suspek na si Jingky ang kanyang Facebook account, pinalitan ng password saka tinakot ang complainant na ipagkakalat ang mga sex videos sa kanyang account, kung hindi magpapadala ng pera.
Dahil dito ay agad na humingi ng tulong ang biktima sa NBI Saranggani kung saan ay agad nakipag-ugnayan sa NBI Manila upang isagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mag-ina.
Kasong paglabag sa RA 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012, robbery extortion at RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang kasong isinampa sa Piskalya ng Maynila ng NBI laban sa mag-ina.