Manila, Philippines – Nanawagan ang mga doktor sa mga nakatira malapit sa bulkang Mayon na mag-ingat sa mga sakit na maaaring idulot ng abong ibinubuga nito.
Ayon kay Dr. Paul Evangelista, lung physician, may peligrong dulot ang abo ng bulkan lalo na sa baga kaya dapat mag-ingat ang mga taga-Albay.
Posible rin aniyang magdulot ang abo ng problema sa mata at balat.
Sinabi naman ni Health Assistant Secretary Lyndon Lee Suy na nagpapunta na sila ng mga team sa Albay para mag-monitor sa mga nasa evacuation centers.
Mainam aniya sa mga residente na gumamit ng n95 mask o basang tela, damit, o tuwalya para pantakip sa mukha.
Payo naman ng mga dktor para maiwasan ang pagkakaroon ng anumang sakit dahil sa abo ng bulkan:
• Huwag nang lumabas ng bahay kung maaari
• Isara ang mga pinto at bintana
• Bawasan ang paggamit ng air conditioner para maiwasan ang pagpasok ng abo at gas sa loob ng bahay
• Linisin madalas ang mga elisi ng electric fan at filter ng air conditioner
• Gumamit ng goggles at limitahan ang pagsusuot ng contact lens.
• Hugasan agad ang parte ng katawan na may abo para maiwasan ang skin irritation
• Siguraduhin din na walang halong abo ang iinuming tubig
• Kung may naramdamang mga sintomas ng respiratory problem, agad magpakonsulta sa Doktor.