Tuesday, March 17, 2026

MAG-LIVE-IN PARTNER, ARESTADO MATAPOS MASAMSAM ANG NASA 340K HALAGA NG SHABU SA PANGASINAN

Naaresto ng mga awtoridad ang magka-live-in partner sa isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang ₱340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa San Carlos City.

Kinilala ang mga suspek bilang isang 43 anyos na lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI) at ang kanyang 33 anyos na kinakasama, kapwa residente ng nasabing lungsod.

Pinangunahan ng Pangasinan Police Provincial Office sa pamamagitan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) ang intelligence-driven operation, katuwang ang iba’t ibang yunit sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1.

Nasamsam mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000, na nakalagay sa anim na heat-sealed plastic sachet. Bukod dito, narekober din ang isang rifle grenade at iba pang non-drug evidence.

Isinailalim ang mga suspek sa medical at laboratory examination bago dinala sa kustodiya ng San Carlos City Police Station para sa tamang disposisyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 9516 kaugnay ng ilegal na pag-iingat ng pampasabog. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments