Mag-tiyuhin, Namaril at Nanaga sa Inuman

Tuguegarao City – Patay ang dalawang katao matapos pagbabariilin at pagtatagain ng nakainumang mag-tiyuhin sa Barangay Jurisdiction, Camalaniugan dakong alas singko ng hapon kahapon, Enero 28, 2018.

Kinilala ang mga biktima na sina Marlon Molina at Wilson Atanasyon samantalang kinilala naman ang mga suspek na sina Johny Viloria at Joel Olangco, magtiyuhin at pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay P02 Dave Galipia, imbestigador ng PNP Camalaniugan, nag-iinuman umano ang magkabilang-panig ng magkaroon ng di pagkakaintindihan na nauwi sa mainitang pagtatalo.


Ayon kay PO2 Galipia, sinundan umano ni Viloria at Olangco ang dalawang biktima pagkatapos ay kanilang pinagbabaril at pinagtataga.

Nagtamo ng tama ng baril sa ulo at pananaga sa mukha si Antanasyo samantalang nabaril naman sa dibdib si Molina na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang cellphone, itak na ginamit sa pananaga at limang basyo ng kalibre 45 na baril.

Nasa kostodiya na ngayon ng pulisya si Viloria at nakahanda ng sampahan ng kaso samantalang patuloy na pinaghahanap pa si Olangco na nakatakas matapos ang insidente.

Facebook Comments