Parañaque City – Siyam na put walong prosyento nang kumpleto ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa coastal road sa Tambo Parañaque City.
Target buksan ang bagong Integrated Terminal Exchange sa lungsod sa unang linggo ng Oktubre.
Una rito, ti-nest ni Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon, Assistant Secretary for Mobility and Infrastructure Manny Gonzales, Assistant Secretary for Special Concerns Eymard Eje at Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, ang single bus ticketing system na kayang basahin ang QR codes sa mga smart phones.
Sinubukan din ng mga opisyal ang bus dispatch scheduling system.
200,000 commuters araw-araw ang kayang i-accommodate ng PITX oras na maging fully operational.
Ang Integrated Terminal Exchange ay isang intermodal facility na magbibigay sa mga pasahero mula sa karatig lalawigan sa timog ng tuluy-tuloy na interconnectivity patungo sa Metro Manila.
Ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na itinatayo sa 4-ektaryang lupain sa Philippine Reclamation Authority (PRA) property sa coastal road sa Tambo Parañaque City, ay magbibigay ng easy access sa ibat-ibang mode of public transportation, rail networks, city buses, UV express at jeepneys para ihatid ang mga pasahero sa kanilang destinasyon.
Tinitiyak nito ang ligtas, maginhawa at hassle-free travel experience para sa commuting public.
Ang operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang nakikitang mabisang hakbang upang i-decongest ang Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Isa lamang ito sa limang big-ticket infrastructure projects na pasisinayaan ng Department of Transportation (DOTr) ngayon taon.