Hindi makatwirang ipasa sa mga mamimili ang magiging gastos ng mga kompanya sakaling magpatupad ng dagdag-sahod.
Ito ang iginiit ng IBON Foundation makaraang sabihin ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP na kung tataas ang sweldo ay magreresulta lamang din ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sabi ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, pwede namang kunin ng mga medium at large firms sa naipon nilang tubo ang magagastos para sa wage increase.
Sang-ayon naman si Africa na hindi kakayanin ng maliliit na kompanya na magbigay ng umento sa sahod pero pwede rin naman daw silang tulungan ng gobyerno.
Punto pa ni Africa, hindi magiging pabigat sa halip ay makatutulong pa nga sa ekonomiya ang pagtataas ng sahod.
“E yung mga manggagawa, kapag binigyan mo ng dagdag na sahod, gagastusin niya sa kanyang pamasahe, sa palengke, sa kanyang komunindad. So iikot din yung pera na yun sa informal sectors at kanyang komunidad. So, medyo illogical na sabihin, ‘ay wag na magbigay ng dagdag na sahod kasi hindi naman maaabot yung informal. Walang koneksyon yung argumento na yun e,” saad ni Africa sa interview ng DZXL.
“Kung employer nagsasabi non, ang pakiramdam namin, tumatago sila sa likod ng informal sector, doon sa smoke screen, dun sa ayaw nilang magbigay ng bahagi ng kanilang tubo sa kanilang manggagawa bilang dagdag na sahod,” aniya pa.