Magandang katangian ng susunod na PNP chief, inilatag ng isang senador

Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian si Pangulong Bongbong Marcos na ang susunod na itatalagang Philippine National Police (PNP) Chief ay may matatag na pamumuno, hindi mapagdududahan na integridad at may malalim na commitment sa pagsisilbi sa publiko.

Ang rekomendasyon ng senador ay kasunod ng pahayag ni PBBM na isang “very senior officer” ang kanyang susunod na itatalaga sa nasabing posisyon.

Ayon kay Gatchalian, ang susunod na PNP Chief ay dapat nakatutok sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan na siyang mahalaga sa kaligtasan ng publiko at sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Dapat din ay may kakayahan itong harapin ang mga hamon ng iba’t ibang krimen tulad ng human trafficking, kidnappings, POGO operations, at mga krimen na ginagawa kahit sa katirikan ng araw.

Gayunman, sinabi pa ng mambabatas na isa sa mabigat na hamon na kailangang harapin ng susunod na PNP Chief ang paglilinis sa sariling hanay lalo na sa mga tiwaling pulis upang maibalik ang tiwala at mapanatili ang integridad ng institusyon.

Facebook Comments