Sa tingin ni Senator Imee Marcos, matatagalan pa para bumalik sa dati ang magandang lagay ng ating ekonomiya kahit nakapagtala ng 11.8 percent growth sa Gross Domestic Product (GDP) ang bansa sa 2nd quarter ng taon.
Paliwanag ni Marcos, ito ay dahil sa kabila ng naitalang paglago ng ekonomiya, nagkaroon naman tayo ng 17 percent na contraction noong nakalipas na taon.
Dagdag pa ni Marcos, hindi pa rin tayo natuto sa twin lessons o kambal na leksyong hatid ng pagpapatupad ng bukas-sara o on-and-off pattern ng lockdown sa nakalipas na 18 buwan.
Diin ni Marcos, uubra lang at magiging epektibo ang mga lockdown kung may sapat na social protection ang publiko tulad ng ayuda gayundin kung walang humpay ang medical response tulad ng agresibong pagbabakuna, testing at treatment.
iginiit din ni Marcos ang kahalagahan ng paglikha ng mga trabaho para makabawi sa mga nawalang economic activities sa panahon ng mga lockdown.
Ayon kay Marcos, kailangan nating tanggapin na hindi na babalik ang “old normal” kaya mahalaga na pagsikapan nating makaagapay sa sustainable, digital, at healthy “new normal”.