
Kasabay ng total lunar eclipse o tinatawag ding “Blood Moon” sa darating na Martes, March 03, 2026, makararanas ang bansa ng magandang lagay ng panahon.
Sa isang online press conference, sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Weather Specialist Robert Badrina na makakaasa ang publiko kasama ang “stargazers at moon watchers” ng “clear sky” o maaliwalas na langit sa Luzon, Visayas at Kanlurang bahagi ng Mindanao, habang sa Silangang Mindanao ay maaaring medyo maulap.
Sinabi naman ni Mario Raymundo, senior weather specialist ng PAGASA, ang total lunar eclipse na ito ay ang una at huli para sa 2026.
Ayon kay Raymundo, ang total lunar eclipse ay magtatagal ng limampu’t siyam (59) na minuto at dalawampu’t apat (24) na segundo; mula 7:04 ng gabi hanggang 8:03 ng gabi.
Ang maximum eclipse ay inaasahan dakong 7:34 ng gabi.
Samantala, inaasahan aniya na magkakaroon ng 4 na eclipse para sa 2026 kung saan dalawa ang solar at dalawa ang lunar, pero isa lamang ang makikita sa Pilipinas o ang total lunar eclipse.
Habang ang susunod na blood moon ay sa Dec. 31, 2028 hanggang Jan. 1, 2029, na magtatagal ng isang (1) oras at labing dalawang (12) minuto.










