Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatagumpay na ang Pilipinas sa laban nito sa COVID-19.
Ito ang pahayag ng Pangulo matapos iulat ni Health Secretary Francisco Duque III na nagkaroon ng general downward trend sa COVID-19 cases at mababang fatality rate sa bansa.
Sinabi ni Duque na resulta ito ng maayos na prevention strategy ng gobyerno at kooperasyon ng publiko lalo na sa pagsunod sa health protocols.
“Kung titingnan po natin dito sa slide na ito ang atin pong national epidemic curve patuloy pa rin po ang pagbaba ng ating mga kaso dahil po sa pagsasagawa ng ating Prevent-Detect-Isolate-Treat-and-Reintegrate strategies na nakapaloob po sa National Action Plan na inyo pong inaprubahan. Kasama na ang pag-obserba at pagsasagawa ng publiko sa atin pong minimum public health standards. Dagdag pa rito, nananatiling stable po ang ating growth rate,” sabi ni Duque kay Pangulong Duterte.
Sa kaniyang public address, pinuri ni Pangulong Duterte ang pandemic response ng pamahalaan.
Pinasalamatan din niya ang lahat sa pagpupursige na matugunan ang public health emergency.
“I am happy to note that there’s an improvement in all aspects of the fight against COVID so meaning to say, we are working, we are succeeding and everything is, everybody is putting his effort, sweat dito sa trabaho,” Duterte said.
Idinagdag naman ni National Action Plan against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., na nagkaroon ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar kabilang na ang Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.
Gayumpaman, nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID sa ilang bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH), aabot na sa 359,169 ang kaso ng COVID-19 sa buong bansa na may 42,191 active cases.
Nasa 310,303 ang gumaling habang nasa 6,675 ang namatay.
Aabot naman sa 4.1 million ang naisalang sa COVID-19 testing.