Nito lamang araw ng Biyernes, June 17, 2022, personal na nanumpa sa bagong Tala Hall ng 5ID ang mga bagong opisyal ng 5ID Defense Press Corps mula sa iba’t-ibang media entity sa Lambak ng Cagayan.
Sa isinagawang virtual nomination at election of officers kamakailan, nanguna si Mr. Victor Martin ng The Philippine Star bilang Presidente ng 5ID Defense Press Corps na kung saan sa kanyang mensahe ay pinasalamatan nito ang mga kapwa mamamahayag na nagtiwala at bumoto sa kanya bilang Presidente ng nasabing samahan.
Hinihikayat nito ang mga nasa larangan ng media na suportahan ang mga programa at adhikain ng 5ID sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga totoong impormasyon.
Sinabi din nito sa hanay ng media na maging bukas sa lahat, magkaroon ng magandang pakikitungo sa kahit na sinong opisyal o tropa ng 5ID at panatilihin ang pagiging low profile.
Maging mahinahon sa pagkuha ng mga detalye o mahahalagang impormasyon sa isang pangyayari o event dahil mayroon din aniyang mga sinusunod na protocol ang mga kasundaluhan sa paglalabas o pagbibigay ng mga detalye.
Hiniling din nito sa mga kasamahan na irespeto ang anumang desisyon ng kasundaluhan kaugnay sa paglalabas ng mga datos at impormasyon. Samantala, nahalal naman bilang 501st Vice President si Mark Djeron Tumabao ng PIA Region 2; 502 Vice President Villamor Visaya Jr ng Philippine Daily Inquirer; 503rd Vice President Brent Martinez ng Guru Press Cordillera; Annaliza Gammad ng DWDY bilang Secretary; Teresa Campos ng DWPE-Radyo Pilipinas bilang Treasurer at Christopher Estolas ng 98.5 iFM Cauayan bilang Auditor.