Manila, Philippines – Hinimok ni House Minority leader Danilo Suarez ang mga PCSO officials na magkaayos na.
Ayon kay Suarez, tapos na ang usapin sa magarbong Christmas party ng ahensya dahil si Pangulong Duterte na ang nagsabi na walang isyu sa paggastos ng malaking halaga ng PCSO sa katwirang malaki din naman ang naitutulong nito.
Iginiit ni Suarez sa pagdinig na hindi dapat i-single out ang PCSO dahil ginagawa rin naman ng ibang ahensya ng gobyerno ang magarbong party.
Sa halip na pag-alitan ang ahensya, pinagsabihan lamang ito ni Suarez na magka-ayos at isantabi ang gusot dahil pare-pareho silang nagtatrabaho sa tanggapan ng gobyerno na nasa ilalim ng charity works.
Aniya, kung hindi kaya ng mga ito na ayusin ang kanilang problema ay dapat may isang umalis kina PCSO GM Alexander Balutan at Dir. Sandra Cam.
Ginawa ng kongresista ang pahayag lalo na nang malaman kay Balutan na nasa P52 billion na ang kita ngayon ng PCSO o mas malaki kumpara sa P37.4 billion noong nakaraang Aquino administration.