MAGARBONG CHRISTMAS PARTY | PCSO Board member Sandra Cam, dudulog sa Senado

Manila, Philippines – Planong idulog sa Senado ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board member Sandra Cam ang magarbong Christmas party ng ahensya na ginastusan umano ng halos P10 milyon.

Ayon kay Cam, wala siyang ibang balak sa gagawin dahil talagang napakagarbo ng party na ginanap noong Disyembre 19 sa isang ballroom ng kilalang hotel kung saan dapat sana ay inilaan na lang ng PCSO ang pondo sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap.

Depensa ni PCSO General Manager Alexander Balutan, nasa P6 milyon lang ang aktuwal na ginastos para sa party.


P5.3 milyon ang inilaan umano para sa raffle prizes, habang halos P400,000 naman para sa mga pa-contest at nakalaan ito sa higit 1,500 na kawani ng PCSO kaya at papatak na higit P3,700 ang naging budget kada empleyado.

Sinabi pa ni Balutan, napili nila ang kilalang 5-star hotel sa Mandaluyong dahil malapit ito sa head office ng ahensiya at hindi kakasya kung sa opisina nila isasagawa ang party.

Handa din daw si Balutan sa banta naman ni Cam na idudulog niya sa Senado ang naturang party at hindi siya natatakot basta patas lamang ang gagawing imbestigasyon.

Facebook Comments