MAGARBONG PARTY | PCSO GM Balutan, nagisa sa pagdinig ng Kamara

34

Manila, Philippines – Sinopla ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel si PCSO GM Alexander Balutan sa mga nagastos ng ahensya sa kanilang Christmas party.

Hindi nagustuhan ni Pimentel ang katwiran ni Balutan at sinabi niyang jina-justify na lamang nito ang ginastos mula sa P10 milyong budget na hiningi ng PCSO.

Aniya, ang kwestyon sa legality at propriety ay naroon pa rin kahit anong paliwanag ang gawin ni Balutan.

Hindi aniya maganda na nakikita ang mga PCSO employees na nagpa-party sa mamahaling hotel at kumakain ng pagkain na halos 3,000 piso ang halaga bawat isa gayong maraming mahihirap ang humihingi ng tulong sa ahensya.

Sinabi ni Pimentel na kung ipinamahagi na lamang sana sa 1,500 na mga empleyado ang 10.6 Million na budget para sa Christmas party ay may halos tig 10 libong piso ang bawat kawani para hindi na sana nakwestyon.

Pero, matigas pa rin ang paninindigan ni Balutan na “appropriate” o nararapat lamang ang PCSO Christmas party.

Sinagot pa ni Balutan na depende na lamang sa tumitingin kung ito ay masama ba o hindi at dinepensahan na ngayon lamang din nagkaroon ng maayos na party ang PCSO.

Facebook Comments